10/27/12

Honor Code

Grade one ako noong binitiwan ko ang natitirang kasinungalingang na hindi ko pa rin inaaming kasinungalingan hanggang ngayon. Dahil kay Freud, hindi ko alam kung maniniwala sila sa'kin kung sasabihin ko ang totoo.

Paborito kong palabas noon ang Aladdin at feel na feel kong ako si Princess Jasmine. Isang gabi, inasar nila ako kung sino si Aladdin. Sinabi ko ang pinaka safe na sagot na una kong naisipan. "Si Daddy." Pero sa totoo lang, may iba akong iniisip: yung kras ko nung grade one. Si HA. Sa loob-loob ko noon, bakit ko naman aaminin sa mga magulang ko na may kras na ang anak nilang grade one? Ano ako sira? Sa ngayon, kontento pa naman akong inaasar ng Oedipus complex. 

Grade one rin ako noong una kong naisipang mangopya. Hindi ko alam kung bakit ko naisip, hindi naman ako ganoon kadesperadong makakuha ng sagot. Ni wala nga akong pakialam sa grades noon, ang ayoko lang talaga ay yung pinagagalitan ako ng titser ko dahil hindi ako sumasagot kapag kinakausap ako. Pero noong panahon na iyon, bigla ko lang naisip, mangopya kaya ako? 

Alam kong mali yun, alam kong bawal yun kaya hinayaan kong liparin ng electric fan ang papel ko; kung kanino lumapit sa kanya ako mangongopya. Lumanding ito sa may paanan ni LC. Pinuntahan ko, at pinulot sabay tukod sa desk niya para makatayo. Pagkatayo sisilipin ko dapat ang papel niya, pero nakatingin siya sa'kin kaya hindi natuloy. Mula noon, hindi na yata uli ako nagbalak mangopya. 

Grade one rin yata ako noong una kong naisip magnakaw. Hindi ko na naman alam kung bakit ko naisip yun, hindi naman ako gutom, at isang hingi ko lang ng pera sa nanay ko alam kong bibigyan naman niya ako. Kendi yun, sa tindahan ni Aling Ising. Hindi ko maalala kung natuloy, pero ang naaalala ko, may pera ako at bumili ako nung lipstick candy na nasa kahon ni Winnie-the-Pooh. Ang naaalala kong natuloy ay noong grade four ako. 

Miyembro ako noon ng isang reading club na tinatag ng adviser ng Patani. May reading room iyon sa labas ng faculty room kung saan pwedeng manghiram ng libro ang mga miyembro ng club. Honor system ito, walang nagche-check kung binabalik ng mga humihiram yung mga hinihiram nila. Mayroon lang logbook at kanya-kanyang sulat. Hiniram ko ang Jonathan Livingston Seagull, at ni-log ko. Binalik ko rin sa takdang araw, at ni-log ko na binalik ko. Pero noong araw ring iyon, kinuha ko uli yung libro at hindi na ni-log. Hindi ko na rin binalik, at walang nakaalam na kinuha ko iyon. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa yun, hindi ko naman naintindihan yung kwento, hindi ko rin kasi tinapos, at hindi ko na uli binasa. Higit sa lahat, may sarili naman kaming kopya. Andito sila ngayong magkatabi sa shelf, hindi ko pa rin ginagalaw.

Sa lahat ng iyan, ang sigurado akong hindi na naulit ay yung huli.


1 comment:

  1. Idagdag mo na rin yung binulungan mo ako ng sagot sa isang exam noong grade 6. "Cassiopeia"

    ReplyDelete