10/5/13

Sampung Bagay na Hindi Sasabihin sa Iyo ng Isang Guro

by Eugene Evasco on Sunday, March 20, 2011 at 3:09am
1. Napapagod din kami. Sa klase, kailangang ipakitang kami'y walang-pagod, hindi napupuyat, laging handa, laging mabilis ang pag-iisip at matalas ang siste. Pero tulad ng sinumang tao, napapagod din kami. Nawawalan ng pasensiya at umiinit ang ulo. Kailangan din naming mabuhay bilang isang tao na hinahangad ang walang-trabahong Sabado o Linggo. Pero sa mga bakanteng araw, karamihan sa amin ay nagbabasa, naghahanda ng powerpoint, nagwawasto ng papel, naghahanda ng lektura, nagbabasa ng mga papel sa mga dapat sana'y libreng oras. Kaya pasensiya kung sumusungit kami minsan, tumataas ang boses, o agad nagbibigay ng isang sorpresang pagsusulit. Pasensiya na rin kung minsan, kami ang nagbubulakbol.

Pakiusap: kung makikita mo kami sa mall, sa restaurant, sa simbahan, huwag mo kaming kakausapin tungkol lamang sa inyong project o anuman tungkol sa ating klase. 

Isa pang pakiusap sa mga mag-aaral: Bigyan ninyo ang mga guro ng dahilan para pumasok sila sa klasrum.

2. Malaking tulong sa amin ang speed reading. Ayaw naming magmagic sa pagbabasa ng tambak-tambak na papel. Ayaw din naming maghula ng mga grado. Marka iyon ng mahinang uri ng pagtuturo. Karamihan sa amin ay nagkakaphobia na sa tsunami ng mga papel. Sa dami ng estudyante at kanilang sulatin, hindi namin nababasa ang lahat ng sinusulat ng mag-aaral. Hinahanap namin ang mga keyword sa inyong sanaysay; binabasa ang unang talata; sinisipat nang mabilis ang gitna o katawan ng sulatin; at binabasa ang konklusyon. Itong mga natukoy na bahagi ang dapat pag-igihan ng mag-aaral kung sila'y susulat ng term paper. Hindi nakukuha sa haba ang sulatin kundi sa laman at lalim.

3. Hindi maiiwasan ang favoritism. Gumagaan ang aming pagtuturo sa matatalino, masisipag, at magalang na mag-aaral. Nagugustuhan ng guro ang mga mag-aaral na may pagpapahalaga sa klase--laging nagbabasa, nagtatala sa notebook, maaga sa klase, laging nakangiti. Paborito rin ng guro ang mga masisipag na mag-aral at ang mga tipong nais nakipagdiyalogo at makipagdebate sa klase. Gantimpala sa guro ang mga may sigasig na matuto at hindi nagsasayang ng tuition fee. Sa madaling sabi, nagiging paborito ng guro ang isang estudyanteng bersiyon niya noong siya'y nag-aaral pa.

4. Natututo ang kami sa mga estudyante. Ang isang gurong nagbakasyon ng isang semestre o isang taon ay pumupurol. Kapag sembreak o napahaba ang holiday, hinahanap-hanap namin ang classroom. Isang balintuna ito dahil lagi't laging hinihiling ng guro ang bakasyon, ang pahinga, ang oras sa pamilya at sarili. Natututo kami na habaan ang pasensiya. Natututo kami sa mga kuwento at kasaysayan ng mag-aaral. Napalalawak ang mundo namin sa iba't ibang kaalaman ng mag-aaral na hindi namin alam gaya ng kaalaman sa algebra, linguwistika, physical education, geology, at computer. Napasisiklab ang interes namin sa sigasig ng ilang mag-aaral na matuto at magkaroon ng magandang puhunan sa kanilang kinabukasan. 

5. Mataas ang insecurity naming mga guro, lalo na sa panahong mas matalino't mulat ang mga mag-aaral ngayon. Lagi naming tinatanong kung may natutuhan ba ang aming mag-aaral sa amin. Napapahalagahan kaya ang aming mga aralin? Malaking pangamba namin na masayang ang panahon sa klase o napunta sa wala ang mga leksiyon. Paminsan-minsan, naiinsecure kami sa mga estudyanteng humahamon sa aming galing at kakayahan; sa mga estudyanteng trip lang alamin kung may alam ba talaga ang guro o nambobola lang. Kinakailangan naming tanggapin ito: Balang-araw, malalagpasan, mahihigitan kami ng mga estudyante.

6. Walang tigil ang aming pag-aaral. Nakaiinsultong may estudyanteng mas maalam pa sa amin. Kaya lagi kaming nagbabasa, nanonood ng pelikula, at nag-iinternet para makasabay sa mga pinag-uusapan ng mga mag-aaral. Hindi lamang kaalaman sa aming itinuturo ang aming inaaral kundi iba pang mga larangan gaya ng pagluluto, pagmamaneho, potograpiya, pakikisalamuha, at pagbabalanse sa buhay. Patuloy na nag-aaral ang guro sa buhay kahit pa sabihing tapos na kami sa aming gradwadong pag-aaral.

7. Gusto namin ng komportableng buhay, kahit hindi na kami yumaman pa. Kami ang isa sa pinakakawawang propesyonal sa lipunan--mababa ang suweldo, hindi napapahalagahan, pinagsasabong sa promotion. Ang mga gawaing akademiko namin ay halos libre na. Pro bono ang pagwo-workshop ng manuskrito, pag-eedit, pag-aadvise, pagbibigay-giya sa buhay ng may buhay. (Mabuti pa ang tubero at driver, de-metro't tiyak ang bayad sa kanilang serbisyo. Bawal sa kanila ang "thank you" lang.) Dito kami magaling; ito ang aming tungkulin. Kaligayahan namin ito pero gusto rin namin ng bagong modelo ng telebisyon, gadgets, kotse, at sariling bahay. Paano namin ito makukuha sa suweldong kakarampot?

8. Pasensiya na kung rumaraket kami. Nag-eedit kami bilang sideline. May iba na sumusulat ng aklat, nagsusulat sa peryodiko at talumpati. May ilang nagnenegosyo. May ilang nagtuturo sa ibang paaralan; may ibang consultant sa mga pribadong kumpanya. Eksperto kami sa multi-tasking. Ilan sa mga ito'y hindi namin ito gusto pero kinakailangan upang makasunod sa hinuhulugang insurance, lupa, condo, o bahay.

9. Mahirap maging objective. Kahit pa walang maililihim sa calculator, may impluwensiya sa amin ang personalidad ng isang mag-aaral. Insulto sa aming mga guro ang pagbabasa ng ibang libro o babasahin sa oras ng klase. May puntos ang mga ngiti, ang pagbati ng simpleng "Good morning." Nakadaragdag sa grado ang litaw na pitagan ng mag-aaral sa guro. Napalalabot ang batong puso ng pinakaterror na guro ang mga matang sabik na matuto at handang makinig. Nakatataba ng puso ang mga komentaryo ng dating mag-aaral na "masaya sa klase," "marami kaming natutuhan," o "inspirasyon namin kayo" kahit matagal nang lumipas ang klase. Hindi lang academic excellence ang sinusukat sa grado.

10. Mas nanaisin namin ng masipag na mag-aaral kaysa matalinong mag-aaral. (Siyempre, bonus na ang masipag na nga, matalino pa.) Malaking parte sa aming pagmamarka ang pagtingin sa attendance ng isang mag-aaral. Maraming matatalino at talentadong mag-aaral ang nakakukuha ng mababang grado sa amin. Katamaran ang sanhi nito. Ang pag-aaral ay paghahanda sa tunay na buhay--ang mapuyat, ang mapagod, ang tiyakin ang mga prayoridad sa buhay, ang pumila sa xerox machine, ang magtiyagang manaliksik sa maalikabok na library, ang sumunod sa mga pinakasimpleng instruksiyon, ang makisalamuha sa klase, ang tuparin ang mga deadline. Ang mga mag-aaral na hindi makatutugon sa kahilingan sa klase ay kadalasang hindi nakakaya ang mga pagsubok sa tunay na buhay. Lagi naming pinapaalala na mas mabuti ang sumubok, kaysa sumuko. Gayundin, totoo ang babala na ang "hell week" sa akademiya ay wala sa kalingkingan ng tunay na "hell week" ng buhay. 

No comments:

Post a Comment