8/11/12

Magmula, Giliw, Nang Ikaw ay Pumanaw ni Gregoria de Jesus


Hindi ako mahilig sa tula pero ilang araw ding binagabag nito ang aking kalooban; paborito ko na. At oo, siya ang pangalawang asawa ni Andres Bonifacio.


Magmula, giliw, nang ikaw ay pumanaw,
katawan at puso ko’y walang paglagyan;
lakad ng dugo sa ugat ay madalang,
lalo’t magunita ang iyong palayaw.

Lubhang malabis ang aking pagdaramdam
sa biglang paggayak mo’t ako’y panawan,
alaala ako sa iyong pagdaraanan,
at gayundin naman sa iyong katawan.

Na baka sakaling ikaw ay kapusin,
lumipas sa iyo oras ng pagkain;
sakit na mabigat baka ka sumpungin
Na lagi mo na lamang sa aki’y daing.

Saan patutungo yaring kalagayan,
dalamhating lubos liit ng katawan,
magsaya’t kumain hindi mapalagay,
maupo’t tumindig, alaala’y ikaw.

Kalakip ang wikang “Magtiis, katawan,
di pa nalulubos sa iyo ang layaw,
bagong lalaganap ang kaginhawahan
ay biglang nag-isip na ikaw ay iwan.”

At kung gumabi na, banig ay hihiga,
matang nag-aantok pipikit na bigla,
sa pagkahimbing panaginip ka, sinta,
sabay ang balong ng di mapigil na luha.

Sa pagka-umaga, marahang titindig,
tutop ng kamay yaring pusong masakit,
tuloy na dungawan, kasabay ang silip.
sa paroroonan mong hirap ay mahigpit.

Matapos sumilip, pagdaka’y lalabas,
sa dulang kakanan agad haharap;
ang iyong luklukan kung aking mamalas,
dibdib ko’y puputok, paghinga’y banayad.

Sama ng loob ko’y sa aking mag-isa,
di maipahayag sa mga kasama;
puso ko ay lubos na pinagdurusa,
tamis na bilin mo’y “Magtiis ka, sinta.”

Sa akin ay mahigpit mong tagubilin,
saya’y hanapin at ang puso’y aliwin;
naganap sumandali’y biglang titigil,
alaala ka kung ano ang narating.

Mukha’y itutungo, luha’y papatak,
katawan pipihit, lakad ay banayad;
pagpasok sa silid, marahang igagayak
damit na gagamitin sa aking paglakad.

Lilimutin mo yaring kahabag-habag,
puhunang buhay tatawirin ang dagat;
pag-alis ay sakit, paroroonan ay hirap.
masayang palad mo sa huli ang sikat.

Ako’y lalakad, usok ang katulad;
pagtaas ng puti, agiw ang katulad;
ang bilin ko lamang, tandaan mo, liyag,
kalihiman natin huwag ipahahayag.

Paalam sa iyo, masarap magmahal,
may-ari ng puso ko’t kabiyak na katawan;
paalam na nga yaring pinalalayaw,
paalam, giliw ko, sa iyo’y paalam.

Masayang sa iyo’y aking isasangla
ang sulam pumahid sa mata ng luha,
kung kapusin ng palad, buhay mawala,
bangkay man ako, haharap sa iyong kusa.

(1897)

No comments:

Post a Comment