2/24/13

"Convinced"

Medyo isang buwan na rin mula nang sinulat ko ito, at isang linggo bago iyon, may nangyaring kinagugulat ng mga taong pwede palang mangyari sa'kin.

Noong araw na iyon, lahat ng kaclose na makasalubong ko kinwentuhan ko na para lang maibsan ang aking pagkayanig. Natatawa na lang ako ngayon kapag binabanggit sa mga tao ang nangyari, pero kapag pinag-iisipan ko mag-isa, bumibigat ang aking dibdib sa pagkabagabag. Hindi ko pa nababanggit sa bahay, dahil alam ko na ang magiging reaksyon ng nanay ko, at iniiwasan ko talaga iyon. Unang beses akong nakipagsagutan sa guro, na nauwi sa matinding tensyon sa kalagitnaan ng klase.


Upang hindi mapagbintangang naninirang-puri, dahil hindi naman talaga yun ang dahilan ng pagkukwento ko dito, itatago ko na lang ang mga bakas ng pagkakakilanlan ng aking guro, ng sabjek namin, at ng paksang aming napag-awayan. Pananatilihin ko na lamang ang porma ng usapan.

Nagtatanong siya ng iba pang kahalagahan ng paksang X sa paksang Y, at ako ang tinawag niya. Siguro pagsubok na pasalitain ako sa klase dahil hindi ako nakikipag-usap at wala akong katabi. E wala akong nakahandang sagot. Bago ko kasi masagot iyong tanong, kailangan ko munang paniwalaang mahalaga nga ang paksang X sa paksang Y, at may isang nabanggit sa iba kong klase na ang paksa X ay isang Z na pumipigil sa'king umusad kung ano sa gayon ang kahalagahan ng X sa Y. At iyon ang pinag-iisipan ko noong mga panahong iyon. Kaya sinabi ko... pero alam nyo naman ako. Imbis na ipaliwanag nang maayos ang aking iniisip dahil malamang wala siyang ideya kung anong iniisip ko, ginamitan ko siya ng Socratic method. Nauwi ito sa tanungan ng kung sino si prof sa isa pang klase.

Inasahan ko na ipapaliwanag niya sa'kin kung bakit mali ang instructor na iyon, sapagkat ang pagiging Z ng aming pinag-uusapan ay, sa pagkakasabi ni isang instructor, isang bagong pag-aaral. Pero sa halip, binalikan din niya ako ng Socratic method, na napagtanto ko lamang  habang sinusulat ko ito, na talagang istilo niya sa klase. Pero kahit pa rhetorical yata ang mga tanong na iyon, dahil ang dating sa'kin noon sinusumbatan niya ako, sumagot lang ako nang sumagot nang "Hindi ko alaaaaam" (dahil hindi ko naman talaga alam) sa tonong ginagamit ko tuwing ginaganoon ako ng isang philo prof na malapit sa aking puso.

Hindi ko na maalala ang pagkakasunod-sunod ng sagutan. Pero mahaba-haba pa iyon. Siguro ang dating ko sa kanya, kinokontra ko siya at pilit ipinapakitang mali siya. Pero ni minsan hindi ako nagtaas ng boses, at pinagalitan pa niya ako dahil hindi niya ko marinig. Dumating ang puntong kami na lang ang nag-uusap, at tuwing hindi muna ako sumasagot dahil iniisip ko kung pano ipapaliwanag ang aking sarili, mararamdaman mo sa katahimikan ang tensyon dahil naghihintay siya ng sagot. May bahagi na pinipilit niya akong magbigay na lang ng kahalagahan ng X sa Y kahit hindi ko pinaniniwalaan kaya nagbigay ako ng walang kwenta dahil yun ang unang pumasok sa isip ko. May bahaging ayoko na talagang magsalita dahil napagtanto kong iba yung pagkakaintindi niya sa sinabi ko... dahil mali pala ang mga salitang ginamit ko.

Sana nga natapos na lang yung sagutan nung ipinagpatuloy niya na ang diskusyon ng klase sa pamamagitan ng pagtatanong sa ibang estudyante, pero pagkasagot ng mga kaklase ko binabalik niya sa'kin kung hindi pa daw ba ako naniniwala sa sinasabi nila. At dahil nakakainis iyon, pinagtanggol ko na ang sarili ko... na mali ang gamit ko ng salita at iba ang ibig kong sabihin sa naintindihan niya. Paulit-ulit kaming ganun. Pero hindi siya nakikinig o hindi siya naniniwala. Pinagpatuloy pa rin niya ang pagbabalik sa aming pinagtatalunan pagkasagot ng mga kaklase ko. Sa huli, hinayaan ko na siyang mag-imbento na lang ng kung ano yung iniisip niyang ibig kong sabihin. Ayaw talaga patinag e.

Sa totoo lang habang nagaganap ang sagutan, parang wala lang sa'kin. Parang nakikipagtalo lang ako sa propesor namin sa mga klase ng kasaysayan ng pilosopiya. Wala lang, batuhan lang ng point. Hindi ako kinabahan, hindi ako nasaktan, hindi ako natakot, kahit nung napagtanto ko na parang nagagalit na siya. Nakalimutan ko atang hindi na ito ang mundo ng pilosopiya.

Nung wala na sa'kin ang atensyon niya, doon na unti-unting sumingaw ang emosyon. Nanginginig ako sa upuan habang pinakikinggan magsalita ang iba. Naramdaman kong tatlong beses niya akong sinulyapan noon, siguro para tingnan kung okay lang ako, pero hindi ko siya tiningnan. Noong binibigyan niya na ng konklusyon ang diskusyon at nag-iimbento ng gusto niyang paniwalaang ibig kong sabihin, naiiyak na ako. Masakit na hindi ka iniintindi, wala man lang pagsubok na intindihin ka. Pero poker face lang ako. Sa bahay pa ako umiyak pag-uwi ko, at tulog na ang lahat. First subject ko iyon.

Bago ako lumabas ng silid, nilapitan ko siya na parang walang nangyari para magtanong tungkol sa report ko na gagawin sa susunod na pagkikita. Walang sori-sori, walang paliwanag. Pagkatapos sagutin, inamin niyang nagliyab siya noong narinig niya ang pangalan ng prof ko. Huwag ko na daw uli babanggitin iyon. Pero saludo ako sa kanya na sa kabila ng aming sagutan, hindi niya ako pinersonal.  Sinabi lang niya na walang kwenta ang reasoning ko dahil hindi ko maipagtanggol ang aking kawalan ng paniniwala sa sinasabi niya, pero hindi ako ang walang kwenta. Hindi rin niya pinersonal ang isang prof, at sa halip ay kinwestyon na lamang ang kanyang iskolarsyip.

Noong araw ng aking pag-uulat, parang walang nangyari, bukod sa pagiging late niya na pinag-iisipan ko na ng kung anu-ano dahil likas akong praning. Pinuri niya pa ang organisasyon ko ng nilalaman ng artikulo. Pero hindi niya ako hiningian ng mga napagtanto tungkol sa ulat, na sabi niya lang nung isang araw na kailangang idagdag sa ulat. Bakit kaya? Pinaghandaan ko iyon.

Big deal ito sa'kin dahil paborito ko iyong sabjek. Wala akong laging kinakausap o tinatabihan bagamat may mga kakilala naman ako doon. Mas marami sa mga kaklase ko roon ay hindi ko pa nakakausap maski minsan, at hindi ko naman nakakapansinan, pero wala lang naman iyon dahil hindi ko naman sila kailangang kausapin. Pero tuwing pumapasok ako sa klase mula noong pangyayari, o kapag may nakakasalubong ako sa kanila, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkailang, at pag-aalala sa iniisip nila sa'kin. Parang may iba sa mga tingin nila. Buti na lang maraming lumiban noong araw na iyon.

Hindi ko pinagsisisihan na sinabi ko kung anong iniisip ko imbis mag-imbento ng kalokohang hindi ko naman pinaniniwalaan. Sa susunod, lilinawan ko na lang ang paliwanag. Mageensayo ako. Di tulad ni Ralph Waldo Emerson, may pangangailangan akong makaintindi at maintindihan. Pero naiisip ko paminsan-minsan na parang ang cool ko nga na nagawa ko yun. Pero hindi pa rin naman kasi dapat yun nangyari.

No comments:

Post a Comment