Mga 361 araw bago ang araw na iyon, ihing-ihi ako. Noong araw na iyon, natatae naman ako. Sumabay na ako sa unang biyahe ng sasakyan para ihatid ang mga kapatid ko. Tulad ng dating gawi, sa sasakyan ako nag-almusal, may kasamang kape sa baso.
Dumiretso kami sa Roosevelt station pagkaiwan sa mga bata sa mga paaralan; pumarada sa katabing mall. Pagdating sa UPCM, nagbihis ako nung sinuot ko rin noong nakaraang taon at nagitla sa nakalimutan kong katangian ng napili kong damit. See through. Buti na lang tamang blusa pambabae ang nasuot ko papunta doon, pwedeng patungan.
Pareho pa rin ng dati yung pinagsagutang biographical sketch, pero iba na ang mga sagot ko. Nakita ko uli yung Hannah na nakasabay kong maghintay dati. Pareho kaming nag-aapply uli. Malamang hindi na niya ako naaalala o namumukhaan, kaya pinanood ko lang siyang dumaan-daan. Sa ikalawang palapag kami pinaghintay ng mga kasabay ko. Nginitian ko yung poging nauna nang naghihintay sa bangko kung saan kami pinapaupo.
Noong ako na lang ang natitirang naghihintay, nakipagkwentuhan sa'kin si Mang July, ang tagapangasiwa ng palapag na iyon. 42 taon na siyang nagtatrabaho doon, at may bahay daw siya sa likod ng Ilang-ilang sa UPD na tinitirhan ng kanyang pinsan. Ang gusto ko talagang itanong ay kung saan niya nabili yung salamin niyang nahihiwalay yung dalawang lens kung saan pinapatong sa ilong, pero nahiya ako.
Dalawa uli ang panel. Napunta ako sa di hamak na mas mababait kaysa sa nakaraang taon. Kilala nila ang nanay ko at ang kuya niya. Pareho pa rin ang mga tanong, pero nagbago na ang mga sagot ko. Pwedeng mag-Filipino. Hindi na ako nanginginig tulad ng dati, nakapagkuwento pa ako ng ilang mga anekdota ng aking buhay. Nang pagnilay-nilayan ko pag-uwi ang mga nakwento ko, napaisip ako kung may paaaralan kayang tatanggap ng subersibong bata. Konserbatibo pa ang UP para sa'kin.
Tinanong kung may polisiya o regulasyong nalabag na o nahihirapan akong sundin, kahit gaano kaliit. Una kong naalala yung pinipilit ako ng mga taong (estudyante at guro) mamili kung GSP o COCC dahil may impormal na patakarang kailangan isa lang. Tinuloy ko pareho. Kinwento ko rin yung pagpilit ko sa kapatid na dumaang mall nung UE interview sa kabila ng diretso bahay na panuto ng nanay. Tinanong kung ano na ang pinaka mahirap na bagay na ginawa ko sa ngalan ng loyalidad (?). Loyalidad sa tao ang nasa isip nila, pero ang binigay ko ay loyalidad sa isang ideya na pasimple kong binigyang katwiran na uri ng loyalidad. Kinwento ko yung sagutan namin ng propesor ko sa paborito kong klase noong nakaraang buwan. Tinanong ako kung wala daw ba akong organisasyon. Kinwento ko na nag-apply ako at natanggap sa isang org, kulang na lang ay induction, pero iniwan ko dahil may hindi ako nagustuhan sa app process. Kinwento ko rin na marami akong napanalunang medalya sa mga kompetisyon sa paglangoy, at malaki ang nadala kong puntos sa team dahil ayaw nang sumali ng mga kasing edad kong taga-ibang team; ako ang pinaka matanda. Tinanong kung anong uri ng isyu sa bansa ang pumupukaw sa'kin. Sinabi ko, yung kapag may nadadamay tungkol sa relihiyon. Hindi ko pa binanggit ang mga pinaggagagawa ko bilang Kristiyano, maliban sa pagsisimba at pag-bible study sa isang simbahang Katoliko. Inasahan nilang anti-RH ako dahil dun, pero tahasan kong sinabing hindi. Hindi ko na pinahaba pa ang paliwanag kung bakit, pero simple pa lang ang naiisip kong dahilan, at wala pang kinalaman dun sa mismong laman nung batas dahil hindi ko pa napag-aaralan. Tinanong kung nag-cut na daw ba ako ng klase para gumimik. Ipinagmalaki kong marami nang nagyaya sa'kin pero hindi ako nagpapatinag. Tinanong kung anong nakikita kong pinaka malaking problema sa Pilipinas. Sabi ko inequity, at kinwento ko ang plano kong sa probinsya magtrabaho. Marami pa'kong hindi nabanggit na plano. Tinanong kung anong gagawin ko kung hindi pa rin ako matanggap sa kahit anong med school. Sabi ko, itutuloy ko ang Philippine Studies at mag-aapply na lang uli nang mag-aapply hanggang matanggap. Ang hindi ko nasabi, kung wala talagang paaralang tatanggap, at naubusan na ako ng pasensya, sa Cuba na lang ako mag-aaral at titira.
Hindi ko pa nakwento yung nung kinder, sinuntok ako ng isang matabang batang babae (na kaibigan ko na ngayon) dahil pinapaalis niya ko sa may silid namin (pang-hapon siya, pang-umaga ako) pero tinitigan ko lang siya. Hindi ko pa nakwento na tuwing may nakakairitang kaibigan/kaklase kaya na-oostracize, kebs lang ako; hindi ako naiimpluwensyahang makibahagi sa pangoostracize. Hindi ko pa nakwento na iniirapan ko lang ang mga uso hangga't uso sila, at iritang-irita ako sa mga patalastas na nagdidikta ng brand na dapat bilhin. Hindi ko pa nakwento na sa bahay kapag may nag-uutos boss na gawin ko ang isang bagay sa idinidikta nilang paraan, lalo kong hindi ginagawa, kahit magulang ko pa yun.
Ako yung bata sa palaruan na kapag sinabihan na 'wag kausapin ang isa pang bata dahil hindi siya dapat bati, lalo kong kakausapin. At mula noong nakuha ko na ang degree ko, lalong tumigas ang ulo ko. Ayoko lang talagang sumunod kung hindi ko nakikita kung bakit kailangan.
Pero sa totoo, magaling akong sumunod sa panuto, panuntunan, regulasyon, patakaran, batas, atbp. Mahilig ako sa mga ganun. Isa ako sa pinaka masunuring batang maaari mong makilala.
At hindi ako sinabihang bawal magkwento tungkol sa mga tinanong.
No comments:
Post a Comment