Hindi ko itinatangging hindi dapat binabasa ang sulat ng may sulat, ang talaarawan ng may talaarawan. Ginagalang ko ang pagkakaroon ng bawat isa ng pribadong buhay, pribadong espasyo, at mga bagay na gusto nilang itago para sa kanilang sarili. Pinahahalagahan ko rin ang karapatan kong iyon. Subalit binabago ng kamatayan ang lahat. Kung may karapatan pa ba sa “privacy” ang isang bangkay ay maituturing na pilosopikal na katanungan.
Nakapagtataka ang kamatayan. Ngunit hindi ito dahil mahiwaga at misteryoso ang kahihinatnan ng namatay, kundi dahil mahiwaga ang dulot nito sa pagtingin ng kanyang mga naiwan. Ang mga kakulangan niya, hindi na kapintasan. Ang masamang pagtrato sa kanya, pinagsisisihan. Ang mga alaala niya, pinagpupugay. Ang mga kabutihan niya, lalong pinagpupugay gaano man kaliit. Hindi tinatantanan ng hiwagang ito maging ang mga sikat na personalidad. Tingnan na lamang natin si Michael Jackson, Si Corazon Aquino at kamakailan lang, si Steve Jobs na mas minahal ng sambayanan sa kanilang pagyao kaysa noong nabubuhay.
Sa pagyao ng isang tao, maraming kwento ang nalilikha upang gunitain ang kanyang alaala. At dahil ang alaala nati’y mas nakasulat sa tubig kaysa nakataga sa bato, mahirap nang malaman kung gaano pa karami doon ang tumutugma sa mga tunay na naganap. Bukod doon, kapag nilisan na ng mga kwentong ito ang orihinal na gunitang pinanggalingan upang mapagpasa-pasahan ng iba’t ibang imahinasyon, nagbabago na ang hitsura at pagkakaintindi dito. Parang tsismis. Anupamang sosyolohikal, antropolohikal o sikolohikal na paliwanag ang maipagkakaloob sa atin ng mga Agham Panlipunan na ito, hindi maitatanggi ang implikasyon nito sa tinatawag na “historical accuracy.” Dito pumapasok ang kahalagahan ng mga pribadong sulatin.
Upang maintindihan at matuklasan ang katotohanan, madalas kinakailangang balatan, buksan, kalikutin at paghiwa-hiwalayin ang mga bahagi ng kung anumang pinag-aaralan. Kasama na rito ang mga kwentong pinalobo at pinalamutian ng kamatayan. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga pribadong sulat (isama na rin natin ang mga pribadong talaarawan), maaari tayong malinawan kung alin ang palamuti’t hangin, alin ang mga pawang kathang-isip lamang. Mas mapapalapit tayo sa tunay na kalagayan ng sinaunang panahon.
Halimbawa na lamang si Rizal. Bago ko pa man kunin ang P.I. 100, pamilyar na ako sa mga sulatin ng aking naging propesor ukol sa pagbababa kay Rizal mula sa pedestal kung saan halos sambahin ang kanyang kabanalang hindi na pantao. Noon pa lang natutunan ko nang tingnan si Rizal bilang tao (ngunit taong lubos kong iniidolo na parang artista). Subalit sa pagbabasa ng kanya mga sulat sa mga kaibigan at pamilya, nabatid kong napakadaldal pala niya. Andami niyang kwento, andami niyang sinasabi na sa pakiramdam ko, hindi naman ganun interesado ang mga sinusulatan niya. Kung interesado man sila, hindi kasing sigasig ng interes ni Rizal sa pagkukwento niya.
Kung naabutan niya siguro ang panahon ng internet, hindi lang food blog na sinasabi ni Sir Ambeth ang meron siya. Magme-maintain rin siguro siya ng mga website ng kanyang mga organisasyon. At meron din siguro siyang personal blog na ang url ay ibibigay niya sa kanyang mga mahal sa buhay upang subaybayan siya. Kung susubaybayan nga siya ng mga ito ay iba nang kwento. At dahil malungkot mag-isa sa ibang bayan, dagdag pa sa blog niya ang mga e-mail niya sa kanila para may interaksyon. Ikatutuwa niya ang teknolohiyang ito dahil halos libre na, mabilis pa. At hindi niya na kailangang magpaulit-ulit ng sulat. Kung may nais siyang ibalita sa mga mahal niya sa buhay na naisulat na niya sa blog, bibigyan na lang niya sila ng link sa mga post niya. Subalit dahil hindi naman kasing hilig niyang magsulat ang kanyang mga kapatid at magulang, makakaramdam pa rin siya ng pagkalumbay. At kahit uso pa ang video chat, sa hilig niyang magsulat, palagay ko, gagawa at gagawa pa rin siya ng mga blog post lalo pa’t kasama sa panahon ng internet ang freedom of speech.
-30-
"Andami niyang kwento, andami niyang sinasabi na sa pakiramdam ko, hindi naman ganun interesado ang mga sinusulatan niya. Kung interesado man sila, hindi kasing sigasig ng interes ni Rizal sa pagkukwento niya."
ReplyDeleteAray. Hahahaha. Minsan feeling ko ganito ako. :)) Dapat pala bago ako mamatay i-clear ko muna ang inbox ko sa FB para di naman nakakahiya sa mga magbabalat, magbubukas at kakalikot sa akin. Pati na rin mga papers na naka-save sa USB! Hahaha.
Waaaaag! Mababawasan ang sangkatauhan ng mahalagang kaalaman! Feeling ko nga maraming makukuha sa'yo. Hmm.. interesting. Pabasa! :))
Delete